Umaabot na sa mahigit 2.3 milyon ang mga bagong botante na naitala ng Commission on Elections (Comelec) para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections na nakatakdang idaos sa bansa sa Disyembre.
Sinabi ni Comelec Spokesperson Rex Laudiangco nitong Sabado na hanggang Hulyo 21 o ang ika-16 na araw ng voter registration, nasa kabuuang 2,334,406 new voters na ang kanilang nairehistro.
Kabilang aniya sa mga naturang bagong botante ay 1,456,699 na kasama sa 15 to 17 age group; 752,819 ang kabilang sa 18 to 30; at 24,888 ang nasa 31 taong gulang pataas.
Nakatanggap rin umano ang poll body ng mahigit 40,000 application to transfer registration mula sa ibang local government unit (LGUs).
Sa naturang bilang, 399,128 ang barangay voters habang 4,013 ang para sa SK level.
Ayon pa kay Laudiangco, sa kabuuan ay mayroong 3,079,761 aplikasyon ang naiproseso ng Comelec hanggang noong Hulyo 21.
Inaasahan naman ng Comelec na madaragdagan pa ang naturang bilang sa sandaling matanggap na nila ang aplikasyon ng iba pang bagong botante.
Matatandaang ang voter registration para sa Barangay at SK polls ay hanggang nitong Hulyo 23, Sabado, na lamang kaya’t pinilahan na ito ng mga nagpaparehistro.
Sinabi na ng Comelec na wala silang balak na palawigin pa ang voter registration ngunit pinayagan na maiproseso pa ang aplikasyon ng mga aplikante na nakapila na sa labas ng tanggapan ng Comelec at satellite offices pagsapit ng alas-3:00 ng hapon ng Sabado.Ang Barangay at SK polls sa bansa ay nakatakda nang idaos sa Disyembre 5.