Ninang sa kasal ng unang Pinay Olympic gold medalist na si Hidilyn Diaz at fiancé-coach nitong si Julius Naranjo si dating Vice President Leni Robredo.
Nakatakdang ikasal sina Diaz at Naranjo sa darating na Hulyo 26, sa Philippine Military Academy sa Baguio, eksaktong isang taon matapos masungkit ng Pinay weightlifter ang makasaysayang Olympic medal ng Pilipinas sa 2020 Tokyo Summer Olympics.
Magsisilbing ninang sa kasal si Robredo, base sa isang Instagram post ng producer na si Noel Ferrer nitong Huwebes, Hulyo 21, kalakip ang mga larawan ng sports couple.
Ayon sa ilang panayam ni Diaz noon, taong 2017 nang makilala niya si Naranjo sa ginanap na Asian Indoor and Martial Arts Games sa Turkmenistan kung saan naging kinatawan si Naranjo ng bansang Guam sa weightlifting sports bago ito magretiro.
Mula noon, naging katuwang na ni Diaz si Naranjo sa mga pagsasanay hanggang sa masungkit ang makasaysayang Olympic gold medal noong 2021.
Ang kaniyang husband-to-be rin ang nakatakdang tumayo bilang kaniyang head coach kasunod ang pagbabalik-China ng kaniyang mentor na si Gao Kaiwen.
Target ng power couple ang muling madepensahan ang gold medal sa 2024 Paris Olympics.