Ilang linggo matapos pormal na ilunsad ang Angat Buhay Foundation, puno na agad ang schedule ng chairperson nitong si dating Vice President Leni Robredo.
Kinumusta ng multimedia producer na si Noel Ferrer ang dating ikalawang pangulo sa isang Instagram video, Biyernes.
“I’m very good. Sorry sobrang busy pa rin. Nag-promise ako sa kanila [tagasuporta] Noel na I will do Facebook live often pero ‘di ko nagagawa kasi doble trabaho kami ngayon,” agad na sabi ni Robredo at idinagdag na wala na siyang “luxury ng sobrang maraming staff.”
Aniya pa, mas hands-on din siya sa ngayon para sa kaniyang anti-poverty non-government organization (NGO).
“So marami akong ginagawa, na ako mismo ang gumagawa. Dina-drive ko ang sarili ko, may driver naman paminsan-minsan, [at] sumasagot ng sariling emails,” ani Robredo.
Bumubuhos din aniya ang mga imbitasyon para sa kaniyang speakership para sa ilang graduation rites.
“Sobrang grabe ng graduation invitations na ang pinaka-heartbreaking lang ang conflict of schedule. Pasensya na talaga. Wala po kaming hinihindian, ang parati lang talagang dahilan, ay may kasabay,” sabi ni Robredo.
“Even then, sobrang salamat sa lahat ng tumutulong.”
Angat Pinas Inc, ang nakarehistrong pangalan ng Angat Buhay sa Securities and Exchange Commission (SEC).