Inaasahan umano ni Senador Alan Peter Cayetano na magiging tapat si Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr. sa kaniyang kauna-unahang "State of the Nation Address" o SONA simula nang mahalal siya bilang ika-17 pangulo ng Republika ng Pilipinas.

Matatandaang si Cayetano ang isa sa mga naging kritiko ni Marcos, Jr. noong naging magkatunggali sila sa vice presidential race noong 2016. Si Cayetano ang naging running mate ni dating Pangulong Rodrigo Duterte at si PBBM naman ang running mate ng yumaong dating Senadora Miriam Defensor-Santiago.

"He can be very honest na, 'Heto ang mga problema ng bansa', kasi inabutan niya 'yan as president. But what we need is the creativity and innovation in facing it," aniya sa isang panayam, batay sa ulat ng ABS-CBN News.

Inaasahan din ni Cayetano na maibabalik din ni Marcos ang 'etiquette' ng mga tao, hindi lamang sa social media, kundi pati na rin sa pang-araw-araw na takbo ng pamumuhay ng mga Pilipino, lalo na sa aspeto ng "pagmumura".

Ito na raw ang pagkakataon upang muling maipaalala sa mga bata, na ang pagmumura at pambabastos sa mga babae ay hindi magandang values.

“Etiquette sa social media. Do we really have a curriculum o module man lang? Have we come together to say na ‘Okay guys, hindi okay magmura.’ Tapos na yung period na may nagmumura tayong pangulo,” saad ni Cayetano.

Hangad din ng nagbabalik na senador na sana ay mabuwag na ang mga dibisyon sa pamahalaan at talagang magkaisa nang magtrabaho ang lahat.