Isang person with disability (PWD)ang namatay habang 15 katao pa ang naospital dahil sa umano'y food poisoning matapos na kumain ng chicken mami mula sa isang karinderya sa Tondo, Manila nitong Miyerkules, Hulyo 20.

Tinangka pa ng mga doktor ng Tondo Medical Center na isalba ang biktimang si Josefina Manila, 43, isang person with disability (PWD) na may intellectual disability, dalaga at residente ng 350 Cavite St., Gagalangin, Tondo, ngunit binawian rin ito ng buhay habang nilalapatan ng lunas.

Ang iba pang mga biktima na naisugod sa pagamutan at nilalapatan na ng lunas ay nakilalang sina Levita Manila, 70, ina ng nasawing si Josefina; Jimmy Rebaya, 52; Eliza Mae Alde, 14; Althea Jade Cabandi, 16; Kean Dave Dela Cruz, 5; Roldan Queen Garalde, 11; Rose Carla Atenta, 18; Ronnie Tante, 12; Aliyah Cabandi, 1-taong gulang; Inez Cabandi, 57; Isidro Biano Jr., 28; Irma Rivera, 68; Mark Anthony Balaroyos, 14; at Nerliza Picao, 35.

Naospital din naman ang may-ari ng karinderya na si Joy dela Vega, 45, matapos na mahilo at magsuka rin dahil sa pagkain ng naturang mami.

Metro

Marikina LGU: Ulat na dinukot ang 4 na menor de edad sa lungsod, fake news!

Batay sa paunang ulat ng Raxabago Police Station 1 (PS-1) ng Manila Police District (MPD), nabatid na dakong alas-10:30 ng umaga nang maganap ang insidente sa karinderya ni dela Vega, na matatagpuan sa 392 Gapan St., sa Gagalangin.

Ayon sa mga biktima, matapos nilang kumain ng chicken mami soup ay nakaramdam sila ng pagkahilo, pagsusuka at pananakit ng sikmura.

Kaagad namang isinugod ng mga barangay officials ang mga biktima sa pagamutan upang malunasan.

Sa panayam naman sa telebisyon kay Kenneth Restar, kaanak ng mga Manila, bumili si Levita ng mami upang may ma-almusal sila ni Josefina.

Una aniyang nahilo at nagsuka si Levita at nang magkulay violet ang mga kamay nito ay kaagad itong isinugod sa pagamutan habang naiwanan umano si Josefina sa kanilang bahay.

May kapitbahay naman umano na nagmagandang-loob na tumingin sa kalagayan ni Josefina at dito umano nakitang bumubula na ang bibig nito.

Kaagad ding isinugod sa pagamutan si Josefina ngunit binawian rin ito ng buhay.

Sinabi naman ni Aner dela Vega, ina ni Joy, na maging ang anak at asawa nito ay tumikhim din ng mami bago sila matulog kaya’t naospital rin ang mga ito.

Sa kwento aniya ng kanyang anak, wala naman siyang alam na kakaibang ginawa o inihalo sa mami habang iniluluto ito.

Halos 20 taon na rin umanong nagtitinda sa lugar si Joy, kaya’t palaisipan din sa kanila ang dahilan ng food poisoning.

Humingi rin naman ang mga dela Vega ng paumanhin sa pangyayari at tiniyak na handa silang makipagtulungan sa mga otoridad.

Samantala, kumuha naman na ng sample ng naturang mami ang Manila Health Department (MHD) na ipinadala sa Food and Drugs Administration laboratory para isailalim sa pagsusuri.

Hinihintay pa ng MPD ang resulta ng pagsusuri ng FDA para sa isasagawang tamang disposisyon nila sa insidente.