Si Direk Paul Soriano ang napisil na maging direktor ng kauna-unahang State of the Nation Address o SONA ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr. sa Lunes, Hulyo 25, 2022.

"Simple at tradisyunal" daw ang magiging unang SONA ng pangulo, ayon sa panayam ng ABS-CBN News kay Direk Paul, na siya ring nagdirehe ng campaign materials sa telebisyon ng UniTeam, para sa kampanya.

Gagawin umano ni Soriano ang lahat ng kaniyang pinakamahusay para sa pangulo, kung kailangan nito ang tulong niya.

Noong Linggo, Hulyo 17, nagsimula na umano ang kanilang rehearsal kasama ang Radio Television Malacañang (RTVM). Kasama rin dito ni Soriano ang long-time creative collaborator na si Odie Flores, na isang cinematographer.

Magiging "concise, clear at direct to the point" daw ang magiging mensahe ng pangulo para sa kaniyang ulat sa bayan.

Titiyakin daw ng direktor na maririnig nang maayos at malinaw ang mga bibitiwang salita ng pangulo.

Magiging mahigpit umano ang pagsunod sa safety and health protocols sa venue.

Isang Ilocano choir group naman daw ang nakatakdang umawit ng "Lupang Hinirang", ang Pambansang Awit ng Pilipinas.