Iniutos na ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa Philippine Sports Commission (PSC) na tulungan si Philippine sports legend Lydia de Vega na tinamaan ng Stage 4 breast cancer.
Ang direktiba ng Pangulo ay kinumpirma ni PSC executive secretary, officer-in-charge Guillermo Iroy, Jr. sa panayam sa kanya sa telebisyon nitong Huwebes.
"Yes it's the direct instruction of the PBBM to extend necessary assistance to Diay (de Vega) and was so sad upon learning the situation of Lydia de Vega," ayon kay Iroy.
Kamakailan, umapela ng tulong o suporta ang pamilya ni de Vega na sinasabing nasa "kritikal" dahil sa komplikasyon ng kanyang kanser sa dibdib.
Si de Vega na ikinokonsiderang "Asia's fastest woman" ay nakakubra ng dalawang gold medal sa Asian Games, bukod pa sa mga naiuwing medalya sa iba't ibang edisyon ng sinabakang Southeast Asian Games.