Ipinag-utos na ni Manila Mayor Honey Lacuna nitong Huwebes ang isang masusing imbestigasyon sa insidente ng food poisoning sa Tondo, Manila na kumitil sa buhay ng isang person with disability (PWD) at nagresulta sa pagkaka-ospital ng 15 pang indibidwal.
Nabatid na inatasan ni Lacuna ang Manila Health Department (MHD), na pinamumunuan ni Dr. Arnold ‘Poks’ Pangan, na kaagad na isagawa ang imbestigasyon.
Ipinag-utos na rin ng alkalde ang pagkakaloob ng kaukulang tulong na maaaring kailanganin ng mga biktima.
Ayon naman kay Pangan, nakakuha na sila ng sample ng chicken mami na kinain ng mga biktima at nakatakda nilang suriin ito.
Kakapanayamin rin aniya nila ang tindera ng naturang mami, gayundin ang mga nabiktima ng food poisoning upang matukoy ang sanhi nito.
Batay sa ulat ng Manila Police District (MPD)-Raxabago Police Station 1 (PS-1), ang insidente ay naganap sa Barangay 172 sa Tondo, Manila dakong alas-10:30 ng umaga ng Miyerkules.
Matapos umanong kumain ang mga biktima ng chicken mami na binili nila mula sa karinderya ni Joy dela Vega, 45, na matatagpuan sa 392 Gapan St., Gagalangin, Tondo, ay nakaramdam na sila ng pagkahilo, pagsusuka at pananakit ng sikmura kaya’t kaagad na isinugod ng mga barangay officials sa Tondo Medical Center.
Kabilang sa mga naisugod sa pagamutan ay sina Levita Manila, 70; Jimmy Rebaya, 52; Eliza Mae Alde, 14; Althea Jade Cabandi, 16; Kean Dave Dela Cruz, 5; Roldan Queen Garalde, 11; Rose Carla Atenta, 18; Ronnie Tante, 12; Aliyah Cabandi, 1-taong gulang; Inez Cabandi, 57; Isidro Biano Jr., 28; Irma Rivera, 68; Mark Anthony Balaroyos, 14 at Nerliza Picao, 35.
Naisugod din sa pagamutan si dela Vega na may ari ng karinderya matapos na makaramdam din ng pagkahilo at pagsusuka matapos na kumain rin ng kanyang paninda bago siya matulog.
Minalas naman na bawian ng buhay si Josefina Manila, 43, ng 350 Cavite St., Gagalangin, Tondo, na may intellectual disability habang nilalapatan ng lunas ng mga doktor.
Ayon kay Barangay Chairman Ramon delos Angeles, ito ang unang pagkakataon na may naganap na ganitong insidente sa kanilang lugar.
Nabatid na may 20 taon na rin namang nagtitinda ng pagkain sa kanilang lugar si dela Vega kaya’t hindi rin umano nito batid kung ano ang nagdulot ng food poisoning sa kanyang mga kostumer.
Basahin:https://balita.net.ph/2022/07/21/pwd-patay-15-pa-naospital-dahil-sa-pagkain-ng-chicken-mami-sa-tondo/
Mary Ann Santiago