Hindi pa nakapapasok sa Pilipinas ang natukoy na nakahahawang bagong Omicron subvariant na BA.2.75 o "Centaurus" na unang na-detect sa India noong Hunyo, ayon sa pahayag ng isang infectious diseases specialist nitong Huwebes.

Sinabi ni Advisory Council of Experts member Dr. Nina Gloriani, matagal pa bago pumasok sa bansa ang naturang subvariant. Nakikita niyang matinding panlaban sa nabanggit na subvariant ang coronavirus disease 2019 (Covid-19) booster doses.

“Sa ngayon ang nakikita nila ay nakatutulong ang booster dose dahil nga, na-explain na natin before, ang booster dose ay nag-e-expand, nagbo-broaden 'yung kanyang immune response, 'yung mga iba't ibang klase niyang antibodies for instance, na maco-cover kasama 'yung mga variants,” sabi ni Gloriani sa panayam sa telebisyon.

“In fact 'yung ibang countries ay minamadali din nila 'yung pagbibigay ng second booster pa para matugunan ito,” anito.

Sa katunayan aniya, inirekomendana nila sa gobyerno na turukan na ng 2nd booster ang mga Pinoy upang malabanan ang iba't ibang subvariant ng Omicron.

Sa ngayon aniya, tanging matatanda, mahihina ang immune system at health workers ang pinapayagang mabigyan ng 2nd dose ng booster shots.

“Meron na kaming nasabi rin na pwede na rin ibaba sana sa 50 (years old) lalung-lalo na marami rin pong mga 50 na years old and above na merong mga comorbidity.Siguro maganda pong malaman natin sa ating bansa, ilan ba dito sa, anong age group ba ang talagang meron nang mga hypertension, may diabetes? Kasi sa ngayon po pabata na nang pabata ang may mga comorbidities. I think we also have to consider that,” aniya.

Matatandaang unang natukoy ang BA.2.75 sa India at lumaganap pa sa Australia,Canada, Germany, New Zealand, United Kingdom, at sa iba pang bansa.