Nanalo na naman ang Magnolia Chicken Timplados laban sa Rain o Shine, 118-87, sa PBA Philippine Cup sa Araneta Coliseum sa Cubao niting Miyerkules ng gabi.
Ito na ang ikaanim na sunod na panalo ng Magnolia na nagresulta naman sa pagkalaglag sa kontensyon ng Elasto Painters nang makuha ang ika-siyam na puwesto sa kartadang 4-7, panalo-talo.
Parehong nasa ikatlong puwesto ang Magnolia at Barangay Ginebra dahil sa taglay nilang 7-3, panalo-talo.
Pitong manlalaro ng Magnolia ang kumana ng double-digits. Nagpamalas naman si Jio Jalalon ng triple-double sa nakuhang 16 puntos, 11 rebounds at 12 assists.
Naka-19 puntos naman si Jerrick Ahanmisi habang si Calvin Abueva ay naka-ipon ng 13 puntos. Tig-12 naman ang nakuhang puntos nina Ian Sangalang at Mark Barroca habang sina Jackson Corpuz at Paul Lee ay nakagawa ng tig-11 puntos.
Sa buong laro, hindi nakatikim ng abante ang Rain or Shine. Sa unang bahagi ng laban, naka-10 puntos na agad ng abante ang Magnolia hanggang lumamang ng 27 puntos sa huling bahagi ng 4th quarter.
Nang matapos ang laban ay bitbit ng Magnolia ang 31 puntos na abante.
Kabilang naman sa mga kumayod sa Rain or Shine sina Leonard Santillan (17 puntos), Anton Asistio at Andrei Caracut na kapwa nakapitas ng tig-12 puntos.