Mahigit 125 residente ng Caloocan City ang nakatanggap ng “bigasan” livelihood packages mula sa pamahalaang lungsod at Department of Labor and Employment-National Capital Region (DOLE-NCR) sa pamamagitan ng Public Employment Service Office (PESO) noong Miyerkules ng umaga, Hulyo 20.

Layunin ng programa na matulungan ang mga marginalized sector, lalo na ang mga indibidwal na nawalan ng pinagkakakitaan dahil sa Covid-19 pandemic.

Sinabi ni Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan na patuloy na ipatutupad ng pamahalaang lungsod ang recovery program ng pamahalaang lungsod.

“Asahan niyong magiging tuloy-tuloy pa ang mga proyektong tulad nito, mas marami pa tayong tutulugnan sa pamamagitan ng paglalaan ng oportunidad, ayuda, benepisyo at pangkabuhayan sa mga taga-Caloocan,” ani Malapitan.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

“Sa lahat ng ating benepisyaryo, hiling ko na mapalago niyo ito at makatulong sa inyong pang araw-araw na gastusin. Kung ano man ang inyong kikitain ay mapaikot niyo pa sana para lumaki pa ang inyong negosyo at makatulong sa inyong pangangailangan sa araw-araw,” dagdag niya.

Nagpahayag ng pasasalamat si Malapitan sa DOLE-NCR sa patuloy na pagtulong sa Lungsod ng Caloocan sa pamamagitan ng mga programa at aktibidad sa kabuhayan nito, na napakikinabangan ng libu-libong residente at nagbigay-daan sa mga pamilya na umunlad at magkaroon ng disenteng pagkakakitaan sa kanilang mga hanapbuhay.

Allysa Nievera