Desidido pa rin ang Department of Education (DepEd) na ituloy ang full implementation ng face-to-face classes sa Nobyembre 2022.

Ito’y sa kabila ng panawagan ng mga grupo ng mga private schools na payagan silang i-adopt ang blended learning dahil sa patuloy na banta ng coronavirus disease 2019 (Covid-19).

Sa kanyang pahayag nitong Miyerkules, binanggit ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte na itutuloy pa rin ng DepEd ang planong magdaos na ng limang araw na in-person classes simula sa nabanggit na buwan.

Sa isang cabinet meeting noong Martes, tinanong ni Duterte-Carpio si Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. hinggil sa posibilidad ng institusyonalisasyon ng blended learning mode of instruction at kung dapat ba itong paghandaan ng naturang ahensya ng gobyerno.

Pabor naman aniya ang pangulo na dapat na gumawa ng plano hinggil sa blended learning mode.

Gayunman, sinabi umano nito na ang face-to-face classes pa rin ang dapat na maging prayoridad at ang blended modality ay ikokonsidera lamang sa ilang paaralan at mga lugar na may special circumstances.