Inilarawan ni Senador Robinhood Padilla ang tambalan nila ni Senador Ronald "Bato" Dela Rosa bilang "Batman and Robin" dahil sa pagsuporta nila para sa programa ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).
Ani Padilla, maganda ang mga programa ng NTF-ELCAC para sa pagtugon sa mga rebeldeng komunista sa pamamagitan ng mga development programs lalo na sa mga malalayong lugar.
"Ang magiging panukala ni Senator Bato diyan, palagay ko po kami ni Senator Bato palagay ko kami ang Batman and Robin diyan," ani Padilla.
"Nakita natin na may magandang epekto ang proyekto ng NTF-ELCAC sa malalayong barangay na hindi naaabot ng gobyerno. Ang katotohanan, ang NTF-ELCAC yan ang nagpapalapit ng gobyerno sa tao," dagdag niya.
Nitong Lunes, Hulyo 18, sinabi ni Padilla na pabor siya sa pag-institutionalize ng NTF-ELCAC dahil maganda ang programa nito sa paghatid ng development project sa mga lugar kung saan nawala na ang impluwensya ng New People's Army (NPA).
Iginiit din ng mambabatas na ang localized peace talks ay napatunayan na epektibo dahil witness umano siya rito.
"Ang NTF-ELCAC naging mukha tayo niyan noong tayo nasa Philippine Army. Naging mukha tayo niyan nang tayo pumupunta sa malalayong lugar, nakikipagusap tayo ay nag-welcome sa mga nag-surrender. Ito pabor ako rito. Isa ito sa mga programa ng gobyerno na napakaganda."