Tiniyak ni Manila Mayor Honey Lacuna nitong Martes na mananatiling libre ang confirmatory RT-PCR tests sa Maynila, lalo na ngayong patuloy pa ring dumarami ang mga taong tinatamaan ng COVID-19.

Ayon kay Lacuna, ang naturang test ay maaaring i-avail sa anim na city-run hospitals na kinabibilangan ng Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center; Ospital ng Tondo; Justice Abad Santos General Hospital; Ospital ng Sampaloc; Ospital ng Maynila at Sta. Ana Hospital.

Iniulat rin ng alkalde na ang kabuuang bilang ng mga indibidwal na nakinabang na sa libreng swab tests na ibinibigay sa Maynila ay umabot na sa 213,310.

Nabatid na ang presyo ng RT-PCR tests sa mga private institutions ay nasa P3,800 o higit pa, kaya’t malaking tulong aniya ang libreng tests sa ipinagkakaloob ng Manila City Government.

Metro

Marikina LGU: Ulat na dinukot ang 4 na menor de edad sa lungsod, fake news!

Kaugnay nito, pinayuhan rin ni Lacuna ang mga residente na kung may nararamdamang sintomas ng COVID-19 ay kaagad nang magpa-check-up.

“Kahit simpleng ubo o sipon o sore throat, mas maigi na ‘yung magpa-checkup kaagad sa mga health centers at ospital,” aniya pa.

Sinabi pa ni Lacuna na noong Hunyo, ang pinakamataas na bilang ng COVID-cases na naitala sa lungsod ay 19 lamang ngunit ngayon ay umaabot na ito sa 100.

“Nakakalungkot na tumataas na naman. Napakalaki ng itinaas, ngayon ay 100 na.Kaya kami po ay nakikiusap sa mga taga-Maynila ng mas ibayong pag-iingat,” panawagan pa niya.

Nananawagan rin ang alkalde sa mga mamamayan na huwag maging kampante at patuloy na istriktong obserbahan ang basic health protocols, gaya nang pagsusuot ng face masks sa lahat ng pagkakataon, pag-obserba sa physical distancing at madalas na paghuhugas ng kamay.