Isang lalaki ang patay nang mabangga ng isang van sa Sampaloc, Manila nitong Lunes ng hapon.
Inaalam pa ng mga otoridad ang pagkakakilanlan ng biktima na inilarawan lamang na nagkaka-edad ng hanggang 45-anyos, may taas na hanggang 5’5”, nakasuot ng itim na t-shirt at dark blue na shorts at may tattoo sa kanang balikat.
Samantala, nasa kustodiya na ng mga otoridad ang driver ng Nissan NV350 van na may plakang OV 1896 na si Eriberto Carlos, 48, ng Cabanatuan City, Nueva Ecija.
Batay sa ulat ni PSSg Johnny Acebes ng Vehicle Traffic Investigation Section (VTIS) ng Manila District Traffic Enforcement Unit (MDTEU), nabatid na dakong alas-2:30 ng hapon nang maganap ang insidente sa Laon-laan St., kanto ng Antonio St., sa Sampaloc.
Kasalukuyan umanong binabaybay ng van ang eastbound lane ng Laon-laan St. nang pagsapit sa pedestrian lane sa kanto ng Antonio St., ay mahagip nito ang biktima.
Kaagad namang isinugod ni Carlos ang biktima sa pagamutan ngunit binawian din ito ng buhay habang nilalapatan ng lunas ng mga doktor.
Si Carlos ay nakatakdang sampahan ng kasong reckless imprudence resulting in homicide sa piskalya.