Humagulhol ng iyak ang premyado at beteranang aktres na si Gina Pareño nang matanong siya sa panayam ni Ogie Diaz tungkol sa kaniyang showbiz career at pagmamahal sa pag-arte.
Hinahanap-hanap daw ni Gina ang pagharap sa camera, mga ilaw sa set, at maramdaman niyang umaarte siya. Malungkot daw siya kapag walang ganoon. Sa umpisa pa lamang ay naging emosyunal na ang award-winning na batikang aktres.
"Kaya ako nag-TikTok!" maya-maya ay sundot niya sabay labas ng dila. Naging malaking bahagi umano ang TikTok para maibsan ang depresyong dulot ng lockdown.
Marami raw sa mga batang artista ngayon ang mahuhusay umarte, at sana raw ay mabigyan siya ng pagkakataong makasama sila sa isang proyekto. Sa mga beteranong artista naman, nais niya ulit makatrabaho si Dexter Doria.
"Wala ka na bang pangarap pa?" usisa ni Ogie sa mahusay na aktres.
"Gusto ko pa umarte. Nakakaloka ang hindi umarte," aniya.
"Sanay na sanay ang katawan mo sa ilaw, sa camera, pano pag di na 'yan dumating?" muling tanong ni Ogie.
"Wag muna. Bakit naman? Uy! Alukin naman ninyo ako. Kunin naman n'yo ko, sige na," pakiusap ng aktres.
"Kasi pag sa kuwarto ako aarte, alam mo sa kuwarto… aarte-arte ako, baka mauwi ako sa mental nito."
Kinakausap daw ni Gina ang kaniyang sarili kapag nalulungkot siya.
"Pareño, tumigil ka, hayan ka na naman… kinakausap ko yung sarili ko… pero hindi pa ho ako nababaliw, ayos pa ako," sey ni Gina. "Kailangang ginaganoon ko ang sarili ko."
Nagbigay siya ng mensahe para sa lahat.
"Gustong-gusto ko pa ho umarte. Sana makasama ko pa kayong muli. Sana mabigyan ako ng role. Ito, gusto ko itong naiilawan ako nang ganiyan (itinuro ang mga ilaw sa set ng taping ng vlog ni Ogie). At saka may camera, nakikita ko. At alam ko makakasama ko kayong lahat."
"Nakakalungkot. Parang wala nang nagmamahal sa akin," dagdag pa ni Gina nang sundutan siya ng tanong ni Ogie kung makapagdudulot ba ng panghihina sa kaniya kung hindi siya makababalik sa pag-arte.
Wala raw nag-aalok sa kaniya ngayon dahil sa kaniyang edad. Naging mahigpit kasi ang mga lock-in tapings sa pagkuha ng mga artistang senior citizen dahil sa pandemya.
"Gustong-gusto ko pang umarte… saka 'yan, gusto ko yung papanoorin pa ako ng mga tao. Gutom na gutom ako sa gano'n. Hanggang ngayon," naiiyak na pag-amin ni Gina. "Kaya nga nagti-TikTok ako eh… nakakaraos yung arte."
Nagpasalamat naman si Gina sa lahat ng kaniyang followers sa TikTok.