CAMP GEN. VICENTE LIM, Calamba City, Laguna -- Nakumpiska ang nasa₱224,000 halaga ng hinihinalang shabu sa naarestong babae sa drug buy-bust operation ng pulisya, nitong Martes ng madaling araw, Hulyo 19, 2022, sa Purok 1, Villa Pansol, Barangay Pansol, Calamba City.
Sinabi ni Brigadier General Antonio Yarra, Police Regional Office 4A director, na kinilala ang suspek na si Karen Cabezas, 20, dalaga, residente ng nasabing lugar at kabilang sa listahan ng high-value individual (HVI).
Nagsagawa ng anti-illegal drug buy-bust operation ang Calamba City PNP sa koordinasyon sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)-Laguna na nagresulta sa pagkakaaresto ng suspek matapos magbenta ng isang sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu sa mga pulis na umaktong poseur buyer.
Nakumpiska mula sa kanya ang pitong sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na tinatayang may timbang na 33 gramo at base sa Dangerous Drug Board value na₱224,400.00, dalawang 500-peso bill, limang 100-peso bill, at isang Toyota Wigo na walang plaka.
“Ang pag-aresto kay Cabezas bilang isang high-value na indibidwal ay nagpapakita lamang ng mas mahigpit na aksyon at programa ng ating pulisya at pambansang pamahalaan laban sa droga. Makatitiyak ang ating mga kababayan na tayo sa PRO4A ay mas tututukan pa natin ang pagdakip at pagsugpo sa mga ganitong masamang bisyo upang mapanatili ang kaayusan at katahimikan sa ating lipunan," ani Yarra.