Magandang balita dahil pinalawig pa ng Marikina City government hanggang sa Disyembre 2022, ang kanilang tax amnesty program para sa mga delinkwenteng business taxpayers sa lungsod, upang matulungan ang mga ito na makarekober mula sa epekto ng COVID-19 pandemic.

Nabatid na nilagdaan ni Marikina City Mayor Marcelino “Marcy” Teodoro nitong Lunes ang Marikina City Ordinance No. 064, Series of 2022 o ‘Ordinance Granting Amnesty on Surcharges and Interests of Delinquent Business Taxpayers in the City of Marikina.’

Sa ilalim ng naturang ordinansa, pinagkakalooban ng Marikina City ng 100 percent relief o amnesty sa surcharges at interes ang mga delinquent business taxpayers mula Hulyo 1 hanggang Disyembre 31, 2022.

Pinalalawig rin nito ang Ordinance No. 006, Series of 2022, na isinabatas ng Ninth Marikina City Council noong Pebrero 9, na nagkakaloob ng amnesty grants para sa delinquent taxpayers hanggang noong Hunyo 30 lamang.

National

UP, top university pa rin sa Pinas; Iba pang paaralan sa bansa, pasok sa Asian ranking!

Ayon kay Teodoro, layunin ng naturang tax amnesty program na mapalakas pa ang tax collection efforts ng city government at matulungan ang mga taxpayers na nakakaranas ng problemang pinansiyal.

“Ngayong umaga (Lunes) ay nilagdaan natin ang isang ordinansa, at ako’y nagpapasalamat nang lubos sa ating pangalawang punong lungsod at sa lahat ng kasapi ng Sangguniang Panlunsod, na kung saan ay nagbibigay tayo ng business tax amnesty,” ani Mayor Marcy matapos na malagdaan ang ordinansa.

Anang alkalde, dahil sa implasyon, ang mga presyo ng mga pangunahing bilihin ay nagtaasan na at labis itong nagpapahirap ngayon sa mga mamamayan.

“Alam naman natin na malaking problema talaga ng ating bansa ngayon, hindi lamang dito sa ating lungsod, ay yung inflation. Yung pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin,” ani Teodoro. “At ang totoo, ang sumasalo sa problemang ‘yan, dahil hindi naman talaga nagtataas din ng presyo ang marami sa ating mga negosyo, ay ‘yung production side. Tumataas ‘yung cost production kaya naapektuhan talaga ‘yung kita ng ating mga mangangalakal, lalo na ‘yung mga nasa manufacturing.”

“Dahil alam ko napakahirap ngayon ng negosyo. Napakatumal ng pagtitinda. Kaya nga itong mga ganitong amnesty ay malaki rin naman ang maitutulong nito,” ayon pa sa alkalde.

Sa kanilang panig, nagpasalamat naman si Engr. Noel Flores, pangulo ng Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI-New Marikina Chapter), gayundin ang Marikina Market Vendors Association sa pangunguna ni Mely Martinez, kay Mayor Marcy at sa City Council, sa ginawang pagpapalawig ng tax amnesty ordinance dahil malaking tulong anila ito sa kanila, partikular na sa maliliit na negosyante.