Iniulat ng independiyenteng OCTA Research Group nitong Lunes na tumaas pa sa 35% ang Covid-19 positivity rate sa lalawigan ng Aklan habang nasa 12.6% naman ang sa National Capital Region (NCR).
Sa datos na ibinahagi ni OCTA Research Fellow Dr. Guido David sa kanyang Twitter account, nabatid na ang one-week positivity rate sa Aklan ay tumaas ng 35% noong Hulyo 16 o nasa ‘very high classification’ na, mula sa dating 26.9% lamang noong Hulyo 9.
Ang positivity rate ay tumutukoy sa porsiyento ng mga taong nagpopositibo sa Covid-19, mula sa kabuuang bilang ng mga indibidwal na isinailalim sa pagsusuri laban sa sakit.
Bukod naman sa Aklan, ang iba pang lalawigan na nakapagtala ng ‘very high’ na positivity rate na lampas sa 20% ay ang Tarlac na may 27.6%; Pampanga na may 23.1%; Laguna na may 22.6% at Nueva Ecija na may 21%.
Samantala, ang positivity rate naman ng Covid-19 sa NCR ay tumaas sa 12.6% noong Hulyo 16, mula sa 10.9% na naitala noong Hulyo 9.
Kapareho pa rin naman ito sa positivity rate na naitala ng NCR noong Hulyo 15.
Ilan pa naman sa mga lugar na lumampas na sa 5% benchmark ng World Health Organization (WHO) pagdating sa positivity rate hanggang noong Hulyo 16 ay ang Antique, Bataan, Batangas, Benguet, Bulacan, Cagayan, Capiz, Cavite, Cebu, Davao del Sur, Iloilo, Isabela, Pangasinan, at Rizal.
Kaugnay nito, pinayuhan ni David ang mga mamamayan, partikular yaong nasa mga lugar na may napakataas na positivity rates na patuloy na mag-ingat upang hindi dapuan ng Covid-19.
“Especially in provinces where positivity rates area very high (above 20%), the public is strongly advised to practice necessary caution to prevent Covid infection,” ani David.
Paglilinaw naman ni David, sa kabila ng tumataas na numero ng mga bagong kaso ng sakit, hindi pa rin ito nakakaalarma sa ngayon dahil mababa pa rin ang healthcare utilization rate (HCUR) ng bansa.Nabatid na ang bed occupancy rate sa bansa noong Linggo ay nasa 22.8% lamang, o 6,660 na okupado mula sa kabuuang 29,223 beds.
Umaasa naman si David na ang peak o rurok ng Covid-19 infections sa Metro Manila ay magaganap na ngayong linggong ito upang magsimula na muling bumaba ang mga kaso ng sakit.
“We were initially projecting na magkakaroon na ng peak around this time. Hindi pa natin nakikita ‘yung peak pero may possibility naman na mag-peak siya within the next seven days and sana mag-peak na nga siya sa Metro Manila,” aniya pa sa panayam sa telebisyon.