Hindi nagpakabog sa naganap na national parade of costume ng Binibining Pilipinas ang manok ni Wilbert Tolentino na si Herlene Nicole Budol.

Ginanap ang fashion show ng national costume category nitong Sabado, Hulyo 16, kung saan ipinarada ni Herlene sa Higantes Festival-inspired na kasuotan likha ng designer na si Patrick Isorena at sikat na pintor ng Angono, Rizal na si Herbert Ebok Pinpiño.

Si Miss Universe 2018 Catriona Gray naman ang kinuhang imahe na una nang nagtampok sa probinsya ng Rizal sa kaniyang matagumpay na bid sa prestihisyusong international pageant.

Pinalakpakan at hiniyawan ng maraming fans, at supportive na pamilya ang presentasyon ni Herlene sa New Frontier Theater.

ALAMIN: Mga dapat malaman at gawin upang maging ligtas sa ‘tsunami’

Hindi rin nagpahuli si Herlene sa isang sponsored apparel fashion show bago ang main event.

Samantala, sa isang YouTube vlog, ibinahagi ng talent manager ni Herlene na si Wilbert na umabot ng P300,000 ang kaniyang ginastos para sa kabuuang national costume ng kaniyang alaga.

Ilang preparasyon din ng designer na si Patrick kasama ang buong team nito ang ipinakita sa vlog.

Sa Hulyo 31 gaganapin ang coronation night ng Binibining Pilipinas 2022.