DAVAO CITY (PNA) – Nasabat ang mga smuggled na sigarilyo na nagkakahalaga ng P2.1 milyon sa Barangay Sirawan checkpoint sa Toril District dito bago madaling araw Linggo, Hulyo 17.
Sa isang pahayag, iniulat ng Task Force Davao (TFD) na naharang ng mga tauhan ng Davao City Police Office ang saradong delivery truck na may dalang 4,250 reams ng mga sigarilyo na nakaimpake sa 85 kahon bandang alas-2 ng madaling araw.
Arestado ang dalawang hinihinalang smuggler. Kinilala ng TFD ang mga ito na sina Romel Penetrante, 43, at Robert Penetrante, 25, kapwa residente ng Barangay Sasa dito.
Maliban sa mga hinihinalang smuggler, arestado rin sa checkpoint ng Barangay Lasang sa Bunawan District ang 32-anyos na si Oliver Opias, residente ng Barangay Tibungco, nitong lungsod dahil sa paghawak ng ilegal na droga.
Sakay ng public utility bus si Opias nang mahulihan ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng humigit-kumulang 0.09 gramo na may tinatayang street value na P1,440.
Sinabi ni Col. Darren Comia, TFD commander, sa isang pahayag na ang pinaigting na checkpoint operations sa lahat ng border control points ay magpapatuloy upang maiwasan ang pagpasok ng mga ilegal na bagay na maaaring makaapekto sa ekonomiya ng lungsod.