May limang lalawigan sa bansa ang nakapagtala na ng ‘very high’ na COVID-19 positivity rate.
Sa ulat ng OCTA Research Group na ibinahagi ni Dr. Guido David sa kanyang Twitter account nitong Linggo, nabatid na kabilang sa mga lalawigan na nakapagtala ng mahigit sa 20% na positivity rate sa COVID-19 hanggang noong Hulyo 15, ay ang Laguna (22.5%); Nueva Ecija (2.9%); Pampanga (23.5%); Tarlac (27.5%) at Aklan (31.9%).
Kaugnay nito, hinikayat ni David ang mga residente ng mga naturang lugar na maging maingat upang maiwasang dapuan ng COVID-19.
“In provinces where the positivity rate is very high, i.e. above 20%, the public is strongly advised to practice necessary caution to prevent Covid infection,” tweet pa ni David.
Samantala, ang Metro Manila naman kung saan naitatala ang karamihan sa mga bagong COVID-19 infections, ay nakapagtala ng 12.6% positivity rate.
Mas mataas ang naturang numero kumpara sa 10.9% lamang na naitala noong Hulyo 9 sa rehiyon.
Noong nakaraang linggo, sinabi ng Department of Health (DOH) na sa kabuuan, ang Pilipinas ay mayroong COVID-19 positivity rate na 9.5% habang ang aktibong kaso ng sakit sa bansa ay nasa kabuuang 18,990.
Sa kabila naman nang pagtaas ng mga bagong kaso ng sakit, tiniyak ng DOH na nananatili pa ring nasa ‘low risk’ classification sa COVID-19 ang Pilipinas dahil mababa pa rin naman ang average daily attack rate (ADAR) nito, gayundin ang bilang ng mga pasyenteng nakakaranas ng malala at kritikal na sintomas ng karamdaman.
Base sa standard ng World Health Organization (WHO), ang positivity rate ay dapat na nasa 5% pababa lamang.