Umaapela na si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa publiko na magpabakuna na at magpa-booster shots laban sa coronavirus disease 2019 (Covid-19).
Idinaan ni Marcos ang kanyang apela sa pamamagitan ng isang video na in-upload sa kanyang social media accounts nitong Sabado matapos niyang makumpleto ang pitong araw na isolation nang tamaan ito ng virus.
Nilinaw ni Marcos na hindi na siya nakararanas ng anumang sintomas ng sakit.
Malaking tulong din aniya ang pagpapabakuna at pagpapa-booster shots dahil kung hindi posibleng lumala na ang kalagayan nito dahil sa pagtama sa kanya ng Covid-19 noong Hulyo 8.
“Kukunin ko na rin ang pagkakataong ito para ihayag muli ang importansya ng pagbabakuna lalo na ang booster shot. Ito na nga ang pangalawang COVID ko na pero tingin ko kung hindi dahil sa vaccine at booster shot siguradong mas malubha ang naging tama ko at ng aking pakiramdam,” paliwanag ng Pangulo.
Noong Marso 2020, nahawaan ng Covid-19 si Marcos matapos bumiyahe mula Europa at nagpa-ospital ito dahil sa hirap sa paghinga.