Tinanggap ni dating Comelec Commissioner at P3PWD partylist Rep. Rowena Guanzon ang guro mula sa isang pribadong paaralan sa Butuan City, na nilait siya bilang "Buangzon" at "itulak daw siya sa fish pond".

Nagkomento umano ang gurong nagngangalang "Alex Abad" sa isa sa mga Facebook post ni Guanzon habang hina-harvest ang mga isda sa kaniyang fish pond, na matatagpuan naman sa kaniyang bukirin sa Cadiz, Negros Occidental.

"Itulak n'yo yang Buangzon na 'yan," aniya.

Hindi naman ito pinalagpas ng mga tagasuporta ni Guanzon at sinaliksik nila ang Facebook account nito. Natuklasang isa itong guro sa isang pribadong paaralan sa Butuan City.

Nakarating naman ito kay Guanzon kaya ibinahagi niya ang screengrab ng FB account nito bilang "resibo", sa kaniyang social media.

"Saang school nagtuturo?" tanong ni Guanzon.

Agad na kumambyo ang guro at sinabing pamangkin daw niya ang nag-post ng naturang komento laban kay Guanzon, kaya binura na niya ang naturang pinag-usapang post.

Basahin: https://balita.net.ph/2022/07/17/guro-tinawag-na-buangzon-si-guanzon-itulak-daw-sa-fish-pond/">https://balita.net.ph/2022/07/17/guro-tinawag-na-buangzon-si-guanzon-itulak-daw-sa-fish-pond/

Sa isa pang hiwalay na Facebook post ay agad na nagpaliwanag ang guro at humingi ng dispensa kay Guanzon. Sinabi pa niyang "idolo" niya ang Queen of Bardagulan.

"I have to apologize to Atty. Rowena Guanzon sa nasabi ko… Mam sorry po, hindi ko po intention na magsabi ng ganyan mam kasi unang-unang idol po kita mam… I admire your bravery Mam Rowena Guanzon."

"Sana po patawarin mo ako sa nasabi ko Mam… God bless poh mam!!!" dagdag pa nito.

Tinanggap naman ito ni Guanzon at pinaalalahanan ang basher na laging umakto ayon sa kabutihan, bilang isang guro.

"Falsus in uno, falsus in omnibus. Anyway, madali naman tayo kausap kaya apology accepted! You are teacher in Immaculate Heart of Mary, so always act with kindness," ani Guanzon.