Ibinahagi ni dating senador at vice presidential candidate Kiko Pangilinan ang pagpapatuloy niya sa adbokasiyang tulungan ang mga magsasaka, sa pamamagitan ng pamamahagi ng multipurpose truck sa kanila noong Biyernes, Hulyo 15.

Isa sa mga naging adbokasiya ni Pangilinan sa nagdaang kampanya sa halalan ay ang kapakanan ng mga magsasaka.

"Ilang beses sa isang araw natin kailangan ang mga magsasaka? Kung ilang beses tayo kumain sa isang araw, ganoon karaming beses natin sila kailangan!" ayon sa caption ni Pangilinan sa kaniyang Facebook post noong Biyernes.

"Kaya naman hindi tayo titigil na tumulong at magtulay ng tulong mula sa mga kasama natin sa adbokasiya patungo sa mas maginhawang buhay para sa ating mga magsasaka."

Sa tulong umano ng United Auctioneers, Inc. ay nakapaghatid sila ng multipurpose truck para sa mga magsasakang kaanib ng San Nicolas Bagong Pag-Asa Irrigators Association, Inc.

"Ngayong araw naghatid tayo ng tulong sa San Nicolas Bagong Pag-Asa Irrigators Association Inc,. Tinurn over natin ang Multi-purpose truck na hatid ng United Auctioneers Inc. Nagpapasalamat tayo sa kanilang pagtugon sa pangangailangan ng ating mga magsasaka."

Kaya nasabi ni Kiko, "Tunay na buhay pa rin ang bayanihan, at lumalakas ang sinag ng pag-asa."

Sa ngayon ay ineenjoy rin ng dating senador ang kaniyang pribadong buhay kasama ang kaniyang pamilya.