Calamba, Laguna -- Nakumpiska ang mga baril, bala, at granada na pag-aari ng isang umano'y miyembro ng gun-for-hire gang matapos salakayin ng awtoridad ang kaniyang lugar sa Barangay Quipot, San Juan Batangas noong Sabado ng hapon.
Ayon kay Police Brig. Gen. Antonio Yarra, Police Regional Office 4A director, ang suspek na si Jay-R Bas, 37, negosyante at residente ng Sitio Marecacawan, Brgy. Quipot San Juan ay hindi inabutan at target ng manhunt ng mga pulis.
Ayon sa ulat ni Yarra ang mga operatiba mula sa Provincial Intelligence Unit - Batangas Police Office, 1st Batangas Provincial Mobile Force Company, Special Weapon and Tactics ng Regional Mobile Force Battalion 4A, Regional Intelligence Division 4A, Regional Intelligence Unit 4A, NISG Southern Luzon at San Juan Municipal Police Station ay ipinatupad ang search warrant No. 2022-002 na inisyu ni judge Rosemarie Manalang-Austria, presiding judge ng Regional Trial Court- Branch 87 ng Rosario, Batangas noong Hulyo 16, 2022, sa Brgy. Quipot, San Juan, Batangas.
Nakumpiska ng mga awtoridad ang isang Colt M16 rifle na may serial number na 9073588; isang katawan ng kalibre .9mm pistol na may serial number 1121133; Jericho caliber .9mm pistol na may serial number 475316; isang Armscor caliber .45 pistol na may serial number 45851SR; sari-saring magazine at live ammunition para sa iba't ibang kalibre ng baril; tatlong 20mm ng matataas na pampasabog; apat na rifle grenade na may tracing bullet; isang MK2 at isang M26A2 hand grenades fragmentation.
Sinabi ni Yarra na ang operasyon ay nag-ugat sa maraming impormasyon na natanggap mula sa concerned citizen na si Bas ay ilegal na nagpapaputok ng kanyang baril sa iba't ibang pagkakataon at nagbabanta sa kaligtasan ng mga residente.
Dagdag pa ni Yarra, nakilala rin ang suspek bilang miyembro ng Eleazar Rocio gun-for-hire group na nag-ooperate sa rehiyon ng CALABARZON.
Ang kasong kriminal sa paglabag sa Republic Act No. 10591, (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) ay isasampa laban kay Bas.
Ang mga narekober na baril ay isasailalim sa ballistics examination at records verification para matukoy kung ito ay may kaugnayan sa iba pang krimen.