Napanatili ng Rain or Shine ang sunud-sunod na panalo matapos patumbahin ang Terrafirma Dyip, 97-82, sa pagpapatuloy ng PBA Philippine Cup sa Mall of Asia Arena nitong Sabado ng gabi.

Sa unang bahagi ng laban, nakuha ng Elasto Painters ang 30 puntos.

Gayunman, nakontrol ito ng Dyip hanggang sa maibaba nila sa 11 puntos ang abante ng Rain or Shine sa pagpasok nila sa huling yugto ng laban.

*Hindi naman nagpabaya ang Elasto Painters nang magsagawa sila ng sunud-sunod na pag-atake hanggang sa makuha nila ang panalo sa kabila ng pagkawala nina Beau Belga, Gabe Norwood, at Mike Nieto dahil sa ipinaiiral na health and safety protocol ng liga.

'Aapela raw!' John Amores 'di tanggap pagkawala ng professional license?

Kabilang sa mga kumayod sa Rain or Shine sina Andrei Caracut at Anton Asistio, kapwa humakot ng 14 puntos.

Naging impresibo rin ang performance nina Leonard Santillan na may 13 puntos at walong rebounds habang nakaipon naman ng 10 puntos, limang rebounds at isang assist si Shaun Ildefonso.

Pinangunahan naman ni Aldrech Ramos ang Dyip sa nakubrang 21 puntos, siyam na rebounds at pitong assists habang nakapitas naman ng 12 puntos, tatlong rebounds, dalawang steals at isang block si Joseph Gabayni.

Hawak na ngayon ng Elasto Painters ang 4-6, panalo-talo.