Isa ang vocal coach na si Tara Simon sa mga pinakahuling nagbigay ng kaniyang komentaryo sa power ballad performance ni Asia’s Phoenix Morissette Amon sa patok na na kantang “Gusto Ko Nang Bumitaw” ni Jonathan Manalo.

Pawang papuri sa Pinay belter ang bukambibig ng lehitimong vocal coach ang laman ng reaction video ni Tara na ibinahagi niya sa kaniyang YouTube channel ngayong Sabado, Hulyo 16.

Si Tara ay isang singer at kilalang celebrity vocal coach sa Amerika na mayroong mahigit 800,000 YouTube subscribers. Sa katunayan, naging estudyante niya ang isa pang Filipina songstress at America's Got Talent finalist na si Angelica Hale.

Sa umpisa pa lang ng kanta, nakangiti na agad si Tara sa interpretasyon ni Morissette sa kantang unang binigyang-buhay ni Sheryn Regis at nakilala lalo nang maging isa sa mga official soundtracks ng "The Broken Marriage Vow."

ALAMIN: Mga dapat malaman at gawin upang maging ligtas sa ‘tsunami’

“The diction in Filipino is so precise. [There are] lots of consonance,” pagsisimula ni Tara.

“I have no idea what she’s saying but it’s pretty,” dagdag ng vocal coach habang nagpapatuloy sa kanta si Morissette.

Sunod na pinuri ni Tara ang phonation, o ang produksiyon ng tunog ni Morissette sa bungad ng unang chorus.

Hindi naman pinalagpas ni Tara ang kilalang intentional vocal crack ni Morissette sa ikalawang chorus ng kanta.

“Did you hear it?” agad na reaksiyon ni Tara habang sunod na tinangka niyang gayahin ang tunog ni Morissette.

“I can’t even do it. I don’t know what she’s doing there. It drives me nuts. I wanna be able to do it but I can’t do this thing,” aminadong sabi na lang ni Tara at muling pinakinggan ang parehong section ng kanta.

“Also, her vocal prowess aside from the weird cracky thing is amazing. She really knows how to create the arc of the song. She is perfectly in keeping with the vocal intensity that I will expect out of someone like her,” dagdag na mga komentaryo ni Tara.

Sa kabila ng language barrier, tama ring natukoy ni Tara ang tema ng kanta.

“It’s something that's kind of melancholy, sad, intense and traumatic,” saad ni Tara habang ipinunto na “emotively involved” si Morissette sa buong performance.

Sunod na ikinaloka ni Tara ang iconic modulation at key change sa dulo ng kanta na minani lang din ni Morissette.

“What was that?” sabi na lang ni Tara.

“For all of you, you want to know how to fall off a note, masterclass from Morissette. That was fall-off perfection. I loved it," pagtatapos na saad ni Tara sa reaction video.