CEBU CITY – Arestado ang isang 69-anyos na hinihinalang tulak ng droga at nakuhanan ng mahigit isang kilo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P7.5 milyon sa buy-bust operation ng pulisya sa Barangay Poblacion, Consolacion, Cebu Biyernes, Hulyo 15.

Kinilala ang suspek na si Wennie delos Santos Chow.

Ibinunyag ni Police Major Joey Bicoy na isa siyang big-time drug personality.

“She is considered a big-time drug player,” sabi ni Bicoy, hepe ng Intelligence Unit and Drug Enforcement Unit ng Cebu Provincial Police Office.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Sinabi ni Bicoy na nagbebenta si Chow ng ilegal na droga bago niya binawasan ang mga operasyon nang ilunsad ng gobyerno ang “Oplan: Tokhang,” ang pangunahing kampanya laban sa iligal na droga ni dating Pangulong Duterte.

Lumalabas sa monitoring ng pulisya na ipinagpatuloy ng suspek ang kanyang ilegal na aktibidad noong nakaraang taon.

Ang suspek ay residente ng Barangay Subayon, Toledo City, Cebu ngunit nanatili sa isang boarding house sa Consolacion kung saan nagaganap ang kanyang mga transaksyon sa ilegal na droga.

“In every transaction, she sells a minimum of 100 grams of shabu,” ani Bicoy.

Sinabi ni Bicoy na magsasagawa pa ng karagdagang imbestigasyon ang pulisya upang matukoy ang mga kasamahan ng suspek.

Calvin Cordova