Isang kakaibang twist ang ginawa ng isang guro sa Nueva Ecija matapos pagsamahin ang dress code na Filipiniana at Barong sa kamakailang moving up at graduation ceremony ng pinapasukang eskwelahan.

Agaw-atensyon ang Facebook post ng isang guro na si Jeffrey Bautista Mallari dahil sa kaniyang creative take sa Filipiniana at Barong na dress code sa naganap na seremonya ng pagtatapos ng T.A. Dionisio National High Scool sa bayan ng San Isidro sa nasabing lalawigan noong Hulyo 13.

Ani Jeffrey sa kaniyang post, layon ng kaniyang modern Filipiniana at Barong attire na basagin ang “gender stereotypes” o ang nakakahon nang ekspektasyon ng nakararami sa isang gawi, halimbawa ang kasuotan, batay sa kasarian ng isang tao.

Sa madaling sabi, isinusulong ng guro ang gender equality sa kilalang kasuotan ng mga Pilipino.

ALAMIN: Mga dapat malaman at gawin upang maging ligtas sa ‘tsunami’

Larawan ni Jeffrey Bautista Mallari/via Facebook

Pinusuan ng maraming netizens at napa-wow ni Jeffrey ang ilang kaibigan sa kaniyang creative modern take sa kilalang tradisyunal na kasuotan.

Samantala, mensahe naman ng guro sa mga nagsipagtapos: “Isang masigabong palakpakan para sa lahat ng mga nagsipagtapos sa taong 2022!  Hangad ko ang inyong tagumpay.”

Na-share na ng mahigit 1,700 beses ang nasabing post ni Jeffrey sa pag-uulat.