Itinalaga muna ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. si Department of Health (DOH) Undersecretary, Spokesperson Maria Rosario Vergeire bilang officer-in-charge (OIC) ng ahensya.
Ito ang isinapubliko ni Press Secretary Trixie Cruz-Angeles nang kapanayamin sa telebisyon nitong Huwebes.
Nitong nakaraang linggo, sinabi ni Vergeire na "hindi angkop" sa kanya na tanungin si Marcos kung bakit natatagalan ang pagpili ng bagong kalihim ng DOH matapos mabakante ni dating DOH Secretary Francisco Duque III ang naturang puwesto.
“Hindi naman natin pwede ring tanungin. It’s really inappropriate for us to ask the President why it’s taking long for him. Naiintindihan po natin ang proseso ng ating Presidente at ng kanilang mga opisyales doon na talagang mahirap talagang pumili ng ating mga opisyales dahil kailangan pong maging masusi ang pagpili kaya mas nagiging matagal pa,” banggit ni Vergeire sa isang press briefing noong Hulyo 7.
Kaugnay nito, itinalaga rin ni Marcos ang dating LRT administrator na si Mel Robles bilang general manager ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).