Sa pag-usbong ng makabagong teknolohiya, kayang-kaya nang gawin ng mga tao ang mga nais nilang gawin, halimbawa na lamang ang pagkuha ng litrato. Kung dati, kinakailangan pang magsadya sa studio upang magpakuha ng family o self photo, o kaya naman ay bumili ng sariling camera, ngayon ay puwede na itong gawin ng kahit sino sa pamamagitan ng smartphones at iba pang gadgets na may camera. Ikaw mismo sa sarili mo, puwede mong kuhanan ng litrato ang sarili mo o tinatawag na selfie.
Bukod sa sarili, maaari na ring makuhanan ng larawan ang iba pang mga lugar o pook na pinapasyalan. Hindi na kailangang maglagay ng film at ipa-imprenta ito, unlimited pa! Sa kabilang banda, humina naman ang kita ng mga nasa industriyang ito, lalo na ang mga "maniniyot" o photographer na nakaabang sa mga parke o pook-pasyalan.
Kaya naman nanawagan ang netizen na si Maria Kingsleigh sa publiko, na sana raw ay suportahan pa rin ang kabuhayan ng mga maniniyot kahit may sari-sarili nang gadgets ang mga tao ngayon.
"We called them 'Maniniyot'. They capture us during our nostalgic occasion but unfortunately when technology arises their job chances become sluggish," pahayag ng netizen sa kaniyang Facebook post noong Hulyo 7.
Sa halagang 50 piso ay maitataguyod na nila ang kanilang pamilya.
"Your every purchase can help them feed their families and will allow them to continue doing their passion!" dagdag niya.
Kaya mensahe niya sa mga lokal at dayong turista sa Cebu, lalo na sa mga makakapasyal sa Basilica Minore del Santo Niño sa Cebu, sana raw ay magpakuha sila sa mga maniniyot upang kahit paano ay makatulong sa kanila.