Nanawagan nitong Huwebes ang isang grupo ng mga guro sa Department of Education (DepEd) na pagkalooban ng vacation pay ang mga guro dahil sa kawalan ng mga ito ng bakasyon.
Ang panawagan ay ginawa ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) kasunod na rin ng anunsiyo ng DepEd na nakatakda nang magsimula ang School Year 2022-2023 sa Agosto 22.
Ayon kay ACT chairperson Vladimir Quetua, nakagawa ang DepEd ng isang paglabag sa pag-iisyu ng DepEd Order 34 na nagtatakda sa schedule nang pagbabalik ng eskwela ng mga bata.
“Sa pagbubukas nito, isang violation na naman ang nagawa ng DepEd dahil kung tutuusin natin after June 24 ay bakasyon na ang mga guro,” ani Quetua, sa isang panayam sa telebisyon.
“Kaya kung magbubukas sa August 22, isang usapin dito, walang bakasyon ang mga guro kaya ang panawagan namin dito bayaran yung mga guro na lagpas doon sa takdang panahon niya, tinatawag naming Proportional Vacation Pay,” dagdag pa niya.
Nauna nang nagpahayag ng pagtutol ang Teachers’ Dignity Coalition (TDC) sa pagbubukas ng klase sa Agosto 22.
Hiling ng grupo na maipagpaliban ito sa kalagitnaan ng Setyembre Oktubre upang mabigyan ng sapat na panahon ang mga guro na makapagpahinga.
Ayon kay TDC National Chairman Benjo Basas, kahit tapos na ang pasukan ay marami pa ring trabaho ang mga guro sa pagitan ng Hunyo at Agosto, gaya nang paghahanda para sa mga school-related activities tulad ng graduation, completion ceremonies, at paghahanda para sa performance ratings, at iba pa.