Itinalaga ni Pope Francis si Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula bilang isa sa 14 na bagong miyembro ng Dicastery for Bishops ng Vatican.

Ang magandang balita ay isinapubliko ng maimpluwensiyang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) nitong Miyerkules, batay na rin sa anunsyo ng Holy See Press Office.

Ayon sa CBCP, ang Dicastery for Bishops ay ang departamento ng Vatican na tumutulong sa Santo Papa sa pagpili ng mga susunod na obispo mula sa iba’t ibang bansa sa buong mundo.

Ito na anila ang ikalawang Vatican Office kung saan magiging miyembro si Advincula matapos na maging Cardinal, may dalawang taon na ang nakalilipas.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Matatandaang taong 2020 nang italaga si Advincula bilang bahagi ng Congregation for the Clergy.

Bukod kay Advincula, kabilang pa sa mga bagong miyembro ng Dicastery ay sina Cardinal Anders Arborelius, OCD, Bishop of Stockholm (Sweden); Cardinal José Tolentino de Mendonça, Archivist and Librarian of the Holy Roman Church; Cardinal Mario Grech, Secretary General of the Synod of Bishops; Cardinal Arthur Roche, Prefect of the Dicastery for Divine Worship and the Discipline of the Sacraments; Cardinal-elect Lazzaro You Heung-sik, Prefect of the Dicastery for the Clergy; Cardinal-elect Jean-Marc Aveline, Archbishop of Marseille (France); Cardinal-elect Oscar Cantoni, Bishop of Como (Italy); Archbishop Dražen Kutleša, Archbishop of Split-Makarska (Croatia); Bishop Paul Desmond Tighe, Secretary of the former Pontifical Council for Culture; Father Dom Donato Ogliari , OSB, Abbot of the Abbey of San Paolo fuori le Mura and Apostolic; Administrator of the Territorial Abbey of Montecassino (Italy); Sister Raffaella Petrini, FSE, Secretary General of the Governorate of the Vatican City State; Sister Yvonne Reungoat, FMA, former Superior General of the Daughters of Mary Help of Christians; at Dr. Maria Lia Zervino, President of the World Union of Catholic Women’s Organizations.