Kumakalat ngayon sa social media ang video ng umano'y plagiarized valedictory address ng isang magna cum laude graduate ng isang kolehiyo sa Camarines Sur, kung saan hinango at kinopya umano niya ang valedictory speech naman ng isang cum laude graduate ng isang kilalang pamantasan sa Maynila, noong 2019.

Ang tema ng talumpati ni Jayvee Ayen, magna cum laude at Top 1 ng Batch 2022 ng Camarines Sur Polytechnic Colleges, ay umikot sa pagkakaroon ng "stereotyping" pagdating sa "superior at inferior courses". Dapat daw, hindi kinakapitan ng "lang" o pinaigsing salita sa wikang Filipino na "lamang" (sa Ingles ay just o only), ang napiling programa o kurso ng isang college student, anuman ang landas o larangang nais niyang tahakin.

"Lang… a shortened Filipino word for 'lamang', which means mere just or only…" bahagi ng talumpati ni Ayen. Bagay na maririnig din umano sa talumpati ni Mariyela Mari Hugo, cum laude ng Bachelor of Secondary Education major in English, sa Far Eastern University. Binigkas niya ang talumpati sa kanilang graduation ceremony noong 2019 sa Philippine International Convention Center o PICC Plenary Hall. Mapapansing magkahawig ang tema ng naging talumpati nila.

Napansin ng mga netizen na halos kinopya umano ni Ayen ang ilan sa mga bahagi ng talumpati ni Gonzales, gayundin ang atake kung paano ito inilahad. Pinalitan lamang umano sa mga binanggit na kurso, ngunit kung ihahambing (na ginawa na nga sa TikTok) ay halos parehong-pareho umano.

ALAMIN: Mga dapat malaman at gawin upang maging ligtas sa ‘tsunami’

Mula sa TikTok account ni mr.infody/Eugene Cabales

Samantala, agad namang nagpaliwanag si Ayen at sinabi niyang hindi niya intensiyong kopyahin ang talumpati ni Hugo, ayon sa ulat ng "The Spark Publication," ang opisyal na Student-Community Publication ng Camarines Sur Polytechnic Colleges, matapos hingin ang kaniyang panig. Nagustuhan at naka-relate lamang daw siya sa kaniyang napanood at umaayon naman sa binabalak niyang talumpati.

"I mean not to plagiarize. Naka-relate lang din ako nang sobra noong mapanood ko yung video kaya may mga lines o thoughts ako na nainput, na tumutugma sa 'Lang video'," paliwanag umano ni Ayen sa panayam ng kanilang opisyal na pahayagang pang-mag-aaral.

Mababasa rin sa inilabas na pubmat ng student publication na humingi siya ng tawad kay Hugo.

"I am really sorry po. Hindi ko intensiyon na i-plagiarize yung speech niya. Nagkataon lang na same topic yung gusto kong i-address," aniya pa.

Sa isa pang kumakalat na TikTok video, naungkat pa ng ilang mga netizen na si Ayen ay isang Kakampink, o tagasuporta ng Leni-Kiko tandem noong nagdaang halalan.

Mula sa TikTok account ni red_redh0rse

Samantala, may cryptic Facebook post naman ang sinasabing pinagkopyahan ng speech na si Mariyela noong Lunes, Hulyo 11, 2022.

"Unintentional or accidental plagiarism is still plagiarism (Bowdoin, 2022; Das, 2018; Duke University, n.d.)," aniya.

Isang FB friend niya naman ang nagkomento rito, "You have every reason to be furious!"

Tugon ni Mariyela, "My former group mates (Cesista, Mendoza, Puig, & Turla) and I did not write an undergraduate thesis on plagiarism just for my/our material to be plagiarized."

Screengrab mula sa FB/Mariyela Mari Hugo

Sa panayam ng Balita Online ay nagbigay naman ng mensahe si Hugo para sa lahat.

"The issue has already been brought to my attention by concerned netizens."

"While one may have good intentions, one must still check if the means to actualize those intentions are also ethically acceptable. Borrowed ideas, even inspirations, should be cited or at the very least, acknowledged."

"I hope that this issue serves as a reminder to everyone to review and uphold their standards," aniya.

Ang plagiarism ay terminong ginagamit upang ilarawan ang akto ng pangongopya o pang-angkin ng mga pahayag, ideya o likha ng ibang tao o manunulat, na walang pahintulot ng may-ari. Kung hindi man nakausap nang personal ang may-ari, maaaring isagawa ang pagsisitas o "citing" sa pangalan nito, upang mabigyan ang manunulat o orihinal na may-ari, ng karampatang kredito.

Sinubukang makipag-ugnayan ng Balita Online kay Ayen subalit hindi mahanap ang kaniyang social media accounts. Bukas ang Balita Online sa panig ng kampo ni Jayvee Ayen kaugnay ng isyung ito na kumakalat sa social media.