Pinatumba ng Meralco ang Barangay Ginebra San Miguel (BGSM), 90-73, sa 2022 PBA Philippine Cup sa Araneta Coliseum nitong Miyerkules ng gabi.

Dahil sa pagkapanalo ng Meralco, hawak na nila ang kartadang 5-3 panalo-talo habang lumagpak sa 6-3 panalo-talo ang Gin Kings na natalo sa TNT, 106-92, nitong nakaraang Linggo.

Nauna nang nakuha ng Meralco ang abante sa halftime, 51-33 at lumaki pa ito ng 22 puntos, 72-50, matapos ang ikatlong yugtong ng laban.

Dahil na rin sa ratsada nina Chris Banchero at Chris Newsome, hindi pa rin nakaporma ang Ginebra.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Sa pagpasok ng fourth quarter, kumana naman si Nards Pinto ng sunud-sunod na tres kaya umabot na lamang sa 12 ang abante ng Meralco, 78-66.

Gayunman, hindi nagpabaya si Newsome na pinalobo pa ang kanilang kalamangan, 87-71, habang paubos na ang oras.

Sa kabuuan, kumamada ng 19 puntos si Newsome, dagdag pa ang pitong rebounds at apat na assist habang si Banchero ay nag-ambag ng 17 puntos.

Nanguna naman sa Gin Kings si Scottie Thompson sa naipong14 puntos, limang rebounds at apat na assists habang si Pinto ay nagbulsa lamang ng 12 puntos.