Maaari lamang umanong ikonsidera ng pamahalaan ang opsyonal na paggamit ng face mask sa labas o outdoor kung lahat ng vulnerable sectors ay protektado na laban sa Covid-19.

Sinabi ni Department of Health (DOH) Undersecretary Maria Rosario Vergeire sa mga mamamahayag nitong Martes, Hulyo 12, na bago tuluyang luwagan ang pagsusuot ng face masks kapag nasa labas ay kailangan munang pataasin ang wall of immunity ng bansa laban sa virus.

“Para marating natin itong sinasabing pwede nating luwagan ang pagsusuot ng face masks kapag tayo ay nasa labas...pagka tayo ay tumaas na ang ating wall of immunity,” aniya.

“When you say you have protected your population, you have protected the priority population, which is the vulnerable,” dagdag pa niya.

National

Romina, patuloy na kumikilos pahilaga; hindi na nakaaapekto sa Kalayaan Islands

Tiniyak rin ni Vergeire na iaanunsiyo nila sa mga susunod na araw ang target na vaccination rates, matapos na maaprubahan ito ng Office of the President.

Sa datos na inilabas ng DOH nitong Martes, nabatid na hanggang Hulyo 11, 2022 ay umaabot na sa mahigit 71 milyong Pinoy ang fully vaccinated na laban sa COVID-19.

Sa naturang bilang, 15.3 milyon na ang nakapagpaturok ng first booster shot habang 954,000 naman nang health workers, elderly at immunocompromised persons, ang nakapagpa-second booster dose na.