Inilatag at inilabas na ng Department of Education ang school calendar para sa academic year 2022-2023, na pormal na magsisimula sa Agosto 22, 2022 at magtatapos naman sa Hulyo 7, 2023.

Ayon sa inilabas na memorandum ng DepEd na pinamamahalaan ni DepEd Secretary Vice President Sara Duterte, magsisimula ang enrollment period sa Hulyo 25, na magtatapos hanggang Agosto 22, na siyang unang araw ng pagbubukas ng mga klase, at simula ng Quarter 1. Sa unang araw ng Agosto naman magsisimula ang "Brigada Eskwela" sa mga pampublikong paaralan.

Image
Larawan mula sa Department of Education

Image
Larawan mula sa Department of Education

Image
Larawan mula sa Department of Education

Bukod dito, may tatlong opsiyon ang mga paaralan hanggang Oktubre 31, 2022 kung paano isasagawa ang kanilang mga klase: una, 5 days of in-person o face-to-face classes, pangalawa naman ay blended learning o halong in-person at online, modular, o television at radio-based instruction, at pangatlo naman ay full distance learning o walang in-person. Ito ay bilang paghahanda sa smooth transition tungong full in-person classes.

Pagdating ng Nobyembre 2, 2022, lahat ng pampubliko at pribadong paaralan ay kinakailangang sumunod sa implementasyon ng 5 days of in-person classes, maliban sa mga paaralang nag-iimplementa ng "Alternative Delivery Modes" ayon sa DepEd order 21 s. 2019 at DepEd Order 01 s. 2022. Inaasahang wala nang magsasagawa ng blended learning o distance learning sa panahong ito.

Image
Larawan mula sa Department of Education

Samantala, ilan naman sa mga guro ang umalma na tila kulang naman sa bakasyon at pahinga ang mga guro, na katatapos lamang ng nagdaang school year, heto't sasabak na ulit sa pag-upo sa enrollment, pagdalo sa mga training, at paghahanda para sa panibago at paparating na school year 2022-2023.