Tiniyak ng Department of Education (DepEd) na iimbestigahan nila ang alegasyon ng umano’y pang-aabuso sa Philippine High School for the Arts (PHSA) sa Los Baños, Laguna.
Sa isang pahayag nitong Martes, sinabi ng DepEd na nakipag-ugnayan na sila sa National Bureau of Investigation (NBI) hinggil dito.
“Sa mandatong pangalagaan ang kapakanan ng lahat ng mag-aaral, nakipag-ugnayan ang Kagawaran ng Edukasyon (DepEd) sa agarang tulong ng National Bureau of Investigation (NBI) upang siyasatin ang mga ulat patungkol sa diumano’yemosyonal, pananalita, at sekswal na pang-aabuso sa Philippine High School for the Arts (PHSA) sa Los Baños, Laguna,” ayon pa sa DepEd.
Nabatid na sa isang liham na natanggap na ng NBI noong Hulyo 11, 2022, hiniling ni Vice President at DepEd Secretary Sara Duterte na magsumite ang ahensya ng komprehensibong ulat sa naturang isyu sa lalong madaling panahon.
Gayundin, humingi rin ng tulong ang Kagawaran sa Child Protection Unit (CPU) at Child Rights in Education Desk (CREDe) nito na magsagawa rin ng imbestigasyon kaugnay sa Child Protection Policy ng ahensya.
Ipinaalam din naman anila ng PHSA sa Kagawaran na pinag-aaralan nito ang mga kasalukuyan at mga dating impormasyon kaugnay sa isyu.
Hinihikayat rin naman ng DepEd na ipahatid ang mga alalahanin at mga reklamo ng pang-aabuso sa PHSA sa Committee on Decorum and Investigation ng paaralan para sa maayos at iba pang tugon.
Sinusuri rin ng Kagawaran at administrasyon ng PHSA ang kasalukuyang polisiya ng paaralan at pagpapalakas sa panloob na mekanismo upang masiguro ang kaligtasan ng mga mag-aaral sa loob ng institusyon.
Binigyang-diin ng DepEd na hindi kailanman pinapayagan ng ahensiya ang anumang uri ng pang-aabuso.
“Sa matatag na pamumuno ni Kalihim Sara Duterte, patuloy na isusulong ng DepEd ang malusog at ligtas na kapaligiran para sa mga mag-aaral at guro,” anito pa.