Sapat pa rin ang suplay ng asukal sa bansa sa gitna ng tumataas na presyo nito.

Sa panayam sa telebisyon, sinabi niUnited Sugar Producers Federation president Manuel Lamata, kailangan pa rin ng gobyerno na umangkat ng asukal na eksklusibo para sa taumbayan o merkado (palengke).

Iminungkahi ni Lamata na mag-import ang bansa ng karagdagang 250,000 metriko toneladang asukal na mapakikinabangan kaagad ng publiko.

Dapat ding kumilos aniya ang mga opisyal ng gobyerno sa pamamagitan ng pagsasagawa ng national survey o imbentaryo sa lahat ng bodega at sugar mill upang madetermina ang dami ng imbak nito sa Pilipinas.

Gayunman, dapat muna aniyang magtalaga na ng mga bagong opisyal ng Sugar Regulatory Administration (SRA) upang matigil ang tumataas na presyo ng asukal.

Kamakailan, inihayag ni SRA chiefHermenegildo Serafica na nagkakaroon na ng kakulangan ng suplay nito sa bansa dahil sa pagkakaantala ng planong pag-aangkat ng 200,000 metriko toneladang asukal ngayong taon.