Isinapubliko ng Department of Health (DOH) nitong Lunes na tumaas ng 90% ang naitalang kaso ng dengue sa bansa.

Sa National Dengue Data ng DOH, umaabot sa 64,797 dengue cases ang naitala sa bansa mula Enero 1 hanggang Hunyo 25, 2022 lamang.

Mas mataas ito ng 90 porsyento kumpara sa naitalang 34,074 na kaso sa kahalintulad na petsa noong 2021.

Sinabi rin ng ahensya na nasa 274 katao ang namatay dahil sa dengue, o may 0.4% case fatality rate.

Sa naturang dengue deaths, 36 ang naitala noong Enero; 32 noong Pebrero; 39 noong Marso; 46 noong Abril; 63 noong Mayo at 58 naman noong Hunyo.

Ang 21,115 na bagong dengue cases ay naitala mula Mayo 29 hanggang Hunyo 25, 2022.

Sa naturang bilang, 18% o 3,902 na kaso ang naitala sa Central Luzon; 11% o 2,316 sa Central Visayas, at 9% o 1,997 cases naman sa National Capital Region (NCR).

Nauna nang sinabi ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire nitong Biyernes na ang pagdami ng naitatalang dengue cases sa bansa ay nakababahala.

Dahil dito, nanawagan muli ang ahensya na maging malinis sa kapaligiran upang hindi na lumaganap nang husto ang naturang sakit.