Umaapela ngayon ang mga panadero na bigyan sila ng ayuda ng gobyerno at fuel subsidy dahil sa tumataas na presyo ng trigo.

Ayon kay Philippine Association of Flour Millers Inc. (PAFMIL) executive director Ric Pinca, nahihirapan na ang mga panadero sa patuloy na pagtaas ng presyo ng harina na gawa sa trigo, bukod pa rito ang hindi tumitigil na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.

“Unang-una, hinihiling ko lang sa gobyerno baka maaaring bigyan sila ng unang-una subsidy sa fuel, dahil gumagamit sila ng liquefied petroleum gas, eh napakataas ng ano, LPG ngayon, mahigit P1000 bawat isang 11kg tank. Eh 'yan ang ginagamit nilang pagluto, sa kanilang mga oven,” hirit ni Pinca nang kapanayamin sa telebisyon nitongLunes.

“Kasama na rin dyan 'yung baka pwede nating bawasan ang tariff sa bakery ingredients katulad ng yeast, ‘no? Bumibili rin tayo ng mga asukal, confectionary sugar na ginagamit sa tinapay, asin, baking powder.These are things that are not produced locally, kahit babaan natin ang tariff niyan, hindi namanmakaaapekto'yan sa mga industriya na meron tayo,” banggit ni Pinca.

Tiniyak naman nito na mayroong sapat na suplay ng harina sa bansa.

“Sapat ang ating suplay, hindi tayo magkukulang. Ang nangyayari lamang ay mataas ang presyo ng harina at dahil dito ay tataas ang presyo ng pandesal dahil sa demand sa world market para sa trigo.Alam naman natin na dahil sa giyera sa Russia at Ukraine, maraming mga trigo roon ano, ang hindi makalabas at maibenta. Alam natin na ang Ukraine at ang Russia, they hold 30-40 percent of the world’s exportable trigo or wheat. So 'yung portion na 'yun, 30-40 percent sa world market ay nawala,” dagdag pa nito.