Ibinahagi ni President Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. sa kaniyang vlog nitong Sabado ang mga nagawa niya sa loob ng unang linggong panunungkulan bilang pangulo ng bansa.
Sa unang bahagi ng vlog, hindi napigilan ni Pangulong Marcos Jr. ang ilang mga alaala nang una silang tumira sa Malacañang.
"Parang nakakatawa nga yung pagbalik ko sa palasyo parang pagkaraniwan dahil ang tagal-tagal kong tumira roon. Ngunit pagkaisip ko nang mabuti, hindi pangkaraniwan talaga ito dahil pagkabalik ko sa palasyo, ako'y naging presidente na," ani PBBM.
"Kahit pareho lang yung aking ginagawa, iba ang pakiramdam," dagdag pa niya.
Noong nakaraang linggo, isinagawa ni Marcos ang kaniyang unang cabinet meeting. Ayon sa kaniya, pinag-usapan nila ng mga miyembro ng gabinete ang tungkol sa pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo, pagbabalik ng face-to-face classes, pagpapalakas ng food security, at pagpapalawig pa ng vaccine campaign.
"Napakahalaga ng booster shot lalo na ngayong tumataas na naman ang mga kaso [ng COVID-19] at ibabalik na natin iyong mga estudyante sa face-to-face [classes]," saad niya.
"Yung pag-a-appoint naman ng ating mga magiging liderato sa bawat departamento at ahensya ay tuloy-tuloy rin. At syempre, yung pagtanggap sa mga courtesy calls ng mga bisita at ating matataas na pinuno galing iba't-ibang bansa," dagdag pa niya.
Kuwento pa niya, parang pinapanuod niyang magtrabaho ang kaniyang ama sa kaniyang unang linggo ng panunungkulan bilang punong ehekutibo.
"Siguro parang pinapanood ko iyong aking ama noong siya'y pangulo at pinapanood ko siya na habang siya'y nagtratrabaho,"aniya.
"Ganun ang pakiramdam kosabi ko siguro yan yung nakikita, parang tinitignan ko noong aking ama ang nagpapatakbo ng mga meeting at nagpapa-oath taking," dagdag pa niya.
Matatandaan na noong Hunyo 30, 2022 nagsimula ang termino ni Pangulong Marcos Jr.