Ang maagang pag-ako ni Andrea Brillantes sa responsibilidad bilang breadwinner ng pamilya sa edad na sampung taong gulang ang isa sa mga dahilan ng kaniyang hindi sinasadyang pagbi-baby talk na naging tampulan sa social media.
Ang Kapamilya star at online sensation na si Andrea ang pinakahuling tampok sa YouTube vlog ni Karen Davila.
Isa sa mga napag-usapan sa panayam ang maaagang pag-mature ni Andrea nang maging breadwinner ng kanilang pamilya.
Pag-amin ni Andrea, hindi naging madali at “litong-lito” siya nang tumuntong sa edad na 15 anyos.
Dahil sa mga nawalang panahon bilang isang bata, doon na niya umano napansin ang kaniyang tila pagbawi at pagbabalik-bata, kabilang na ang kontrobersyal niyang pagbi-baby talk.
“Voice ko talaga siya. Pero hindi siya yong napipili ko subconsciously. Bigla na lang siya nagsi-switch kasi nung bata ako, kulang din ako sa pansin kasi bunso ako [tapos] ‘di ako lumaki sa parents ko. Baby baby talaga ako dati-dati pa,” pagbabahagi ni Andrea.
Dagdag niya, may parehong good at bad side ang nasabing habit.
“Minsan lalabas siya kapag ibig sabihin nun, komportable ako sa’yo or feeling ko may nakikita akong father figure sa’yo, or kuya figure, ate figure kasi lumaki rin ako sa broken family so wala akong masyadong father figure talaga,” paglalahad ni Andrea at sinabi ring maaga siyang nangulila sa nagsilbi niyang father figure, ang kaniyang lolo.
Matatandaan ang viral video ni Andrea kasama ang boyfriend na si Ricci Rivero sa kanilang Siargao getaway noong Mayo kung saan makikita ang pagbi-baby talk ng aktres habang bumibili sa isang tindahan.
Pagpapatuloy ng aktres, “Kapag nakakakita ako ng ganun, lumalabas yong pagka-baby talk ko kasi feeling ko maalagaan niya ako, minsan lumalabas siya kapag masyado akong excited or kapag masyado akong happy. Minsan lalabas din siya kapag ‘di ako komportable sa tao, parang natatakot ako o nahihiya ako. Hindi ko talaga siya napipili.”
Sa kabila ng natamong online bashing dahil sa kaniyang personalidad, wala umanong sama ng loob ang aktres sa mga netizens na ginagawang katatawanan ang naturang habit.
“Hindi, kasi kahit ako hindi ko rin maintindihan eh. Bumabalik at bumabalik talaga siya. Nababago ko lang siya kapag may role ako kasi trabaho ‘yun at saka kailangan. Feeling ko part talaga siya ng childhood ko na nawala,” ani Andrea.