Ibinasura ng Court of Appeals (CA) ang mosyon ni dating Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) governor Zaldy Ampatuan, isa sa convicted dahil pagkakasangkot sa Maguindanao massacre noong 2009, na mailipat sa ospital dahil umano sa banta ng coronavirus disease 2019 (Covid) habang nakakulong ito sa New Bilibid Prison (NBP).

Sa kanilang desisyon nitong Hulyo 4, idinahilan ng CA Special Division na nasa ilalim na ng Alert Level 1 ang Metro Manila, ang pinakamababang alert system laban sa Covid-19. Saklaw ng National Capital Region (NCR) ang NBP na nasa Muntinlupa City.

Ginamit din na rason ng hukuman ang ulat na aabot na sa 27,000 sa 50,000 persons deprived of liberty (PDLs) ang bakunado na laban sa Covid-19 hanggang noong Marso 14, 2022.

Tinuturukan na rin ng booster shots ang mga ito.

National

PBBM, masayang ligtas si Donald Trump mula sa 'assassination attempt'

“Today, the Covid-19 infections in the entire country have already gone down, and the NCR is no longer on GCQ (general community quarantine) but is presently on Alert Level 1, as officially announced by the President of the Philippines last April 8, 2022. Alert Level 1 refers to areas wherein case transmission is low and decreasing, total bed utilization rate, and intensive care unit utilization rate is low,” ayon sa ruling ng korte.

Inilabas ng CA ang desisyon bilang tugon sa petition for certiorari na isinampa ng kampo ni Ampatuan na kumukuwestiyon sa naging kautusan ni Quezon City Regional Trial Court Branch 221 Judge Jocelyn Solis-Reyes noong Hulyo 2022 na nagbabasura sa kanyang urgent motion na alisin ito sa NBP at maidala sa ospital dahil sa pandemya.

Tinanggihan ni Solis-Reyes ang mosyon ni Ampatuan dahil sa kakulangan ng merito.

Sa kanilang mosyon, idinahilan ng mga abogado ni Ampatuan na tatlong beses na umaong nakaranas ng "stroke" ang kanilang kliyente kaya nararapat lamang na mailipat ito sa isang medical facility.

Matatandaang kabilang si Ampatuan na hinatulang makulong ng hukuman noong Disyembre 19, 2019 matapos magkasala sa naganap na Ampatuan massacre na ikinasawi ng 58 katao, kabilang ang 32 na mamamahayag sa Maguinandao noong Nobyembre 23, 2009.

Kasama rin sa hinatulang makulong sina dating Datu Unsay Mayor Andal Ampatuan Jr., Anwar Ampatuan Sr., Anwar "Ipi" Ampatuan Jr., at Anwar Sajid "Ulo" Ampatuan, at ilang pulis.