Arestado ang isang lalaki sa isinagawang entrapment operation ng pulisya sa Malolos, Bulacan noong Biyernes, Hulyo 8.
Kinilala ni Lt. Col. Ferdinand Germino, chief of Police ng Malolos, ang suspek na si Adrian Villoria, 26 ng Barangay Sumapang Matanda, Malolos.
Narekober sa suspek ang ninakaw na motorsiklong Suzuki FU150MF na ibinebenta sa halagang P45,000 sa Barangay Guinhawa, Malolos, Bulacan.
Ang naturang motorsiklo ay pagmamay-ari ng isang Arnold Medina, Jr. na residente sa Caloocan City.
Nauna nang ireport ni Medina sa mga pulis noong Mayo 4, 2022 na ninakaw ang kaniyang motorsiklo sa Caloocan City.
Nang makita naman niya ang post ni Villoria tungkol sa ibinebentang motorsiklo agad itong nakipag-ugnayan sa Malolos police na nagsagawa ng entrapment operation na ikinaaresto ng suspek.
Samantala, sinabi ng pulisya na ang suspek ay una nang sinampahan ng paglabas sa Anti-fencing Law. Kung mapapatunayang siya ang nagnakaw ng motorsiklo, isa pang reklamo ang isasampa laban sa kaniya.