Nakasuot ng uniporme tulad ng sa mga estudyante ang senior high school teacher na si Ginoong Alvin Butardo nang magbigay ito ng talumpati sa Araw ng Pagtatapos ng mga mag-aaral ng Manato Elementary School sa Tagkawayan, probinsya ng Quezon.
Ayon sa 31-anyos na guro, nabigyan siya ng pagkakataong makapagsalita sa harap ng mga mag-aaral na nagtapos ng elementarya, sa paaralan na kanya ring alma mater, kaya naman ginawa na niya iyong oportunidad upang pukawin ang puso ng mga mag-aaral na ipagpatuloy nila ang pag-aaral sa kabila ng hirap sa buhay.
Pagbabahagi ni Butardo, nagsuot siya ng unipormeng pang-mag-aaral bilang representasyon ng kanyang kalagayan noong siya ay nag-aaral pa lamang.
"Naging isang malaking pagsubok sa akin ang pag-aaral ko noong ako ay nasa elementarya. Hindi nakaranas na magkaroon ng bagong pares ng uniform. Hiram at bigay ng kapitbahay ang aking naging uniform. Kung kaya noong ako ay kinuhang guest speaker sa aking alma mater ay napagpasyahan ko na magsuot ng pampublikong uniporme upang maibahagi ko at maipakita na ang kasuotan kung iyon ay sumisimbolo ng pagsisikap at pagpunyagi sa buhay," anang guro.
Aniya noong siya ay nasa lectern at nagbibigay ng turo hindi pampaaralan kundi aral sa buhay, ang uniporme niya ang naging lakas niya upang maipakita na ang tagumpay sa buhay ay hindi makikita sa hiram, bigay at naninilaw na kasuotan.
"Maaring hindi man ako nagkaroon ng pagkakataon na magkaroon ng bagong pares ng uniporme na ito ay naitawid ko naman ang tagumpay na tinatamasa ko ngayon sa buhay.Laging isaisip mga mag aaral. Hindi tayo nagdadamit ng mamahalin upang impress ang lipunang ginagalawan natin, tayo ay nagsusuot nito upang magbahagi ng mga karanasan natin sa buhay," bahagi ng inspirational message ni Butardo.
Kaya naman nag-iwan siya ng mensahe hindi lamang para sa mga mag-aaral na nagtapos ng pag-aaral, kundi para sa mga nagsusumikap na makapag-tapos kahit pa maraming balakid.
"Linangin ang tagumpay upang maiangat ang buhay. Hindi nangangahulugang kayo ay natapos na ng inyong pag aaral, ito ay ang panibagong pakikibaka upang matamasa ang inyong mga pangarap para sa hinaharap. Tandaan ninyong lahat, hindi nasusukat ang karangyaan ng buhay sa kung anong suot natin, naninilaw man yan at walang hagod ng plantsa ang mahalaga natupad mo ang tagumpay sa buhay," mabigat na mensahe ng guro.