'Menor de edad na may sariling bahay na't naging breadwinner pa simula nang magka-lockdown?'

Iyan ang ibinida ng netizen na si Rosanne Pugal matapos niyang ibahagi sa Facebook page na "Home Buddies" ang naipundar ng kaniyang anak na si Love Marie Pugal, 15 anyos, at incoming Grade 10 student.

Ayon sa ina ni Love, ang kanilang bahay ay may lot area na 36 square meter, may dalawang palapag at may roof deck. Apat umano ang mga silid sa loob at dalawang toilet and bath.

Hindi raw sila makapaniwala sa diskarte ng kanilang anak.

BALITAnaw

ALAMIN: Mga dapat mong malaman tungkol kay Jose Rizal

"My daughter kasi ay napaka-madiskarte at talented, nagulat na lang kami nang pinaglalakad niya kami ng bankbook kailangan niya kasi dahil na-monetize na raw ang YT channel niya, na nagsimulang gumawa ng content noong August of 2020," ani Rosanne.

Dahil raw sa kinikita ng anak sa pagba-vlog, ito raw ang gumastos sa kanilang pamilya lalo na noong kasagsagan ng lockdowns, sa pagsisimula ng pandemya, lalo't nawalan ng trabaho ang kaniyang mister.

"Masasabi kong sinuwerte at biniyayaan kami ng Panginoon, sa simpleng pinagkakaabalahan pala ng anak namin eh makakapagpatayo kami ng sarili naming bahay. Kami ng asawa ko ay may maliit na tindahan ng street foods, nag-iipon kami ng pampagawa ng gate dahil naloko kami ng nakuha naming welder dahil substandard tinipid ang materyales na ginamit."

Sa kabila ng pagiging vlogger ay hindi naman daw nakalilimot ang anak sa kaniyang prayoridad---ang makatapos ng pag-aaral. sa katunayan, "With Honors" ang award ng kaniyang anak.

"Sa ngayon nag-focus na lang siya sa pag-aaral, dahil ayaw niya na mawala siya sa Top ng klase. At ngayon pasok pa rin siya sa with honors."

Bukod sa pagpapatayo ng sariling bahay, nakapundar na rin si Love ng sariling mga furniture nito.Nakapagtayo na rin ito ng negosyong online shop.

"This is not to brag, sobrang proud lang po sa na achieve ng anak namin na sa edad na 14 lang kasi siya noong nagsimula ang construction noong January at ngayon at the age of 15, grade 9 student may sarili ng bahay," pagmamalaki ni Rosanne sa kaniyang Facebook post.

Screengrab mula sa FB/Rosanne Pugal/Home Buddies

Screengrab mula sa FB/Rosanne Pugal/Home Buddies

Screengrab mula sa FB/Rosanne Pugal/Home Buddies

Ayon sa panayam ng Balita Online kay Rosanne, pinursige talaga ni Love Marie na ipagawa at patayuan ng ikalawang palapag at roof deck ang kanilang bahay dahil binabaha ito noon kapag umuulan.

"Lahat po ng pera niya sa YouTube sinave po namin kasi gusto niya po talagang mapagawa muna ang bahay namin dahil binabaha po ang loob ng bahay namin pag maulan," ani Rosanne.

"Marami rin po akong kakilala na bata na nagpupursige rin pong makatulong sa pamilya, yung iba nagbebenta online. Si Love po kasi bata pa lang marunong na maghanap ng pera, grade 3… grade 4 nagtitinda na po siya ng lollipop sa school, nag-iipon ng mga karton para dalhin sa junkshop ganoon po siyang bata…"

Mensahe ni Rosanne sa iba pang kabataan, "Sa mga kaedad niya, kung nakikita nila na medyo tagilid ang kabuhayan ng kanilang pamilya, matutong magkusa, magtipid, huwag maluho at mag-aral lang po nang mabuti, iyon po ang pinaka-importante, at sabi ko sa kaniya, lagi siyang magdadasal at magpasalamat sa Panginoon kasi lahat iyon, Siya ang may gawa."