Posibleng ipatupad ang optional na pagsusuot ng face mask sa bansa kapag ligtas na itong gawin, ayon sa pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., nitong Biyernes.
Bukod dito, nangako rin si Marcos na hindi na ito magpapatupad ng mahigpit at malawakang lockdown sa ilalim ng kanyang panunungkulan. Binigyang-diin din nito ang kahalagahan ng pagpapa-booster shots, lalo na sa mga bata, dahil pinaplano na ng gobyerno na maipagpatuloy ang face-to-face classes ngayong taon.
"The government may consider relaxing the alert level and make masking optional.Pero hindi po natin gagawin ’yan hanggang maliwanag na maliwanag na safe na talaga. Dahil although so far maganda naman ang takbo, hindi naman napupuno ang mga ospital. Ngunit kung hindi tayo maingat, mapupunta na naman tayo doon,” anito.
Inilabas ang pahayag sa isinagawang virtual message ni Marcos sa mga alkalde at gobernador nitong Hulyo 8 sa gitna ng self-isolation nito matapos tamaan ng coronavirus disease 2019 (Covid-19).
Matatandaangnaglabas ng kautusan ang Cebu provincial government na gawing optional na lamang ang pagsusuot ng face masks sa mga open spaces na ikinaalarma ng Department of Interior and Local Government (DILG) at Department of Health (DOH) dahil malaking porsyento pa ang hindi nababakunahan sa lalawigan.