BAGUIO CITY -- Pansamantalang sinuspinde ng Department of Tourism-Cordillera ang anumang aktibidad sa turismo at pansamantalang pagbabawal sa mga turista na magtungo sa Banaue sa lalawigan ng Ifugao, habang patuloy pa rin ang clearing operations sa malawakang flashfloods at landslides na naganap noong Huwebes ng hapon, Hulyo 7.
Sinabi sa travel advisory ni Jovita Ganongan, regional director ng DOT-Cordillera, sa kasalukuyan ay hindi ligtas para sa mga motoristang turista na pumunta sa Banaue kung saan maraming bahay at homestay ang napinsala ng flashfloods at mga landslide sa pangunahing kalsada.
Pinayuhan nito ang mga turista na ipagpaliban muna ang pagpunta sa Banaue at iba pang lugar sa Ifugao habang masama pa ang panahon o patuloy ang pag-ulan.
Ang Banaue ay kilalang foreign at local tourist destination dahil sa magagandang rice terraces at malamig na klima.
Noong Huwebes ng hapon sa kasagsagan ng malakas na buhos ng ulan sa rehiyon ng Cordillera dulot ng “Habagat”, nagulantang ang mga residente ng Banaue sa biglang pag-agos ng tubig na may halong putik na umagos sa pangunahing kalsada sa bayan.
Nabatid na nagsagawa ng inspeksyon kaninang umaga si Gov. Jerry Dalipog at mga tauhan ng Provincial Disaster Risk and Reduction Management Council, Department of Public Works and Highway-Ifugao sa mga lugar na napinsala ng malawakang flash floods.
Nagsasagawa na rin ng clearing operations ang mga tauhan ng Ifugao Provincial Police Office, residente at volunteer sa mga putik na naiwan sa mga kalsada at sa mga lugar kung saan nangyari ang landslide.
Sa kasalukuyan, 13 pamilya ang nananatili sa evacuation center sa Poblacion Multipurpose Hall, habang binibigyan ng pagkain at tubig ang 152 katao na na-stranded sa flashfloods sa Barangay Tam-an at Amganad.
Wala pang naiulat na nasaktan o nasawi sa trahedya habang iniimbestigahan pa ang mga nasirang kabahayan.